Previous Entry Share Next Entry
Ehersisyo: Pagbubusog sa Salita.
hoykingcoy
 Dear Mommy (lola),

Sa totoo lang, miss na miss na kita. Kahit hindi ko ito pinapakita kahit kanino, alam na alam ko sa sarili ko na hinding-hindi ka nawawala sa isip ko. Siyempre, namimiss ko ang laging pagtanong mo sa akin ng "kumain ka na?", kahit may mga panahon na nakita mo namang nag-almusal na ako. Pero sa totoo lang, mas namimiss ko ang mga pagkakataon na sana'y hindi lang "kumain ka na?" mo at "oo" ko ang batuhan ng mga salita natin. Nakakamiss, dahil sana meron pa akong sinabi na higit pa sa pagtango ko sa'yo. Pero anong magagawa ko, ang taray taray mo rin kasi, at minsan naiinis ako.

Naiinis ako dahil ang kulit ng pagtanong mo kung kumain na ako. Minsan, hindi ko na talaga matiis. Kita na ngang kumain na ako, tinatanong mo pa rin ako. At kapag hindi naman kita sinasagot sa inis, magtataray ka, tulad nang pagtaray mo nung maliit pa ako, at kumuha ako ng chocolate sa ref ng kuwarto niyo nang walang paalam. Ang kulit-kulit, at ang taray pa. Paano na?

Pero ngayon na matanda na ako, at wala ka na, naisip ko lang - Sa mga pagkakataong iyon, ako ata ang nagtaray. Kaya siguro'y yun lang ang lagi mong tanong sa akin, kung kumain na ako. Ang sungit sungit ko sa'yo, kaya hindi rin tayo lumalagpas sa usapang pagkain. At lalong kumukurot sa akin ang katotohanang ito sa tuwing naaalala kong sinabi sa akin ng alalay mo noon na isa sa huling mga sinabi mo bago ka tuluyan nang lumisan ay "Huwag niyong gugutumin si King."

Nagugutom ako ngayon, Mommy. Nagugutom ako para sa pagkakataon na makausap ka nang higit pa sa " kumain ka na?" mo, at "oo" ko. Nagsisisi ako sa katarayan ko, at dahil dun, alam na alam kong miss na miss na kita. Pero hayaan mo Mommy, sa sandaling nakahaing na ang pagkain, sisiguruhin kong magpapakabusog ako, para sa'yo.

Mahal na mahal kita. 

  • 1
  • 1
?

Log in