Previous Entry Share
Ehersisyo: Dahil Hindi Na Uso ang Malungkot
hoykingcoy
Una sa lahat, kailangan kong humingi ng paumanhin sa kung anuman ang isusulat ko at babasahin mo. Higit tatlong taon na mula noong magsulat ako ng ganito, at sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang kalalabasan nito. Maalikabok ang lugar na ito, kaya't sana'y hayaan niyong walisin ko ang kwartong ito gamit ang mga salita ko.

Subok, subok. Ang daming alikabok.

2005 ko sinimulang magsulat ng blog. Hindi ko man maalala kung bakit, malinaw sa akin na gumagaan ang pakiramdam ko tuwing nagsusulat ako.  Madalas, nagsusulat ako para makatulog. Minsan naman, ginagawa ko ito habang naghihintay.

Ngayong gabi, magsusulat ako dahil sa parehong rason.

Gising na gising ang diwa ko, ngayon kung kailan mahimbing ang tulog ng mga tao sa bahay na ito. Gawin ko mang katuwiran na nakatulog ako kaninang alas-8 ng gabi kaya't nandito ako ngayon, alam kong higit pa doon ang dahilan. Sa totoo lang, matagal na akong gising at hindi makatulog. Hindi dahil marami akong inaasikaso, kundi dahil marami akong hinihintay.

Atras tayo ng kaonti.

Bago ako magsulat ng entry na ito, binalikan ko lahat ng sinulat ko mula 2005 hanggang sa pinakahuling ginawa ko nung 2010. Kadiri. Ang daming maling pagsulat, ang daming kabaduyan, at ang daming kakesohan at kadramahan. Kalokohan. Kung nakita lang ng dating sarili ko ang kasalukuyan, matutuklasan niyang hindi makakalusot ang mga pinili niyang mga talinghaga sa mga paghamon ng mundo. Ang tao na tinawag kong bituin noon, tao lang pala talaga. Ang mundo na tinawag kong palaruan noon, nakamamatay pala. Patay kang bata ka.

Pero sa totoo lang, habang binabasa ko ang mga sinulat ko dati, natuklasan kong may mga salita akong paulit-ulit na ginagamit, na para bang wala nang nagbago sa akin. Paghihintay. Pag-asa. Pagbabago. Paghintay.

Lagi nalang pala akong naghihintay. Naghintay noon na balikan ako. Naghintay na dumating ang tamang pagkakataong gumawa ng pelikula. Naghintay na manalo ng award. Naghintay na makalimot. Naghintay sa pagbabago, at patuloy pang naghihintay.

At ngayon, narito pa rin ako, naghihintay na makatulog. Nag-aabang ng panibagong shoot. Nag-aabang na may magandang pagbabagong darating. Naghihintay na mawala ang lungkot. Nakakalungkot.

Cute siguro ang entry na ito kung isinulat ko to nung 2005, noong uso pa maging malungkot. Pero hindi yan ang kaso, at ang sikat na ngayon ay Gwiyomi. Pero anong magagawa ko? Noong isang linggo, naaksidente ang pamilya ko; nawalan ng malay ang tatay ko habang nagmamaneho at bumangga kami sa gate ng isang bahay. Malipas ang dalawang araw, sumakabilang-buhay ang lolo ko (na mahal na mahal ko). Ngayong taon na ito, napilitan akong ibenta ang kotse ko, hindi ako pinapasok sa isang club dahil pilay daw ako, at halos wala akong proyekto. Sa bawat panahong may kilala akong kinakasal, o lumilipad sa abroad, hindi ko mapigilang isipin, nasaan na nga ba ako ngayon?

Saan pa nga ba? Dito sa harap ng laptop, naghihintay makatulog.

Naghihintay.

Ilang araw nalang at magiging 29 na ako. Kung hanapbuhay man ang paghihintay, milyunaro na ako by the age of 30. Wow English.

Gumagawa ako ng mga "Ehersisyo" sa tuwing pakiramdam kong wala na akong maibabahaging mga salita, kapag iniisip kong wala na akong mailuwang kwento, o kapag kailangan kong magsuka ng katotohanan. Ito ang totoo; sawa na ako sa paghihintay, at kailangan ko nang gumalaw. Hindi dahil masakit na ang puwet ko, kundi dahil namamaga na ang utak ko sa kaiisip, at masyado nang matamlay ang puso ko sa pag-abang.

Hayaan mong simulan ko ang pagbabago, sa pag-pagpag ng alikabok gamit ang mga salita ko. Malay natin, kapag malinis na ulit ang kwarto, mas maginhawa na ang paghintay sa panibagong umaga.

Muli, paumanhin. Malungkot ang mundo ko, at hindi na ako uso. Hayaan mo, sa wakas ay inaantok na rin ako. 

?

Log in